top of page
Search

Mensahe ng Dekano sa Pagbubukas ng Campus

Prof. Jimmuel C. Naval, Dekano

15 February 2023


Unang araw ng pasukan ngayong ikalawang linggo ng Pebrero. Anong bago? Lahat. Mula sapin sa paa hanggang kulay ng buhok. Dahil unang araw din ito ng F2F (mukha sa mukha) na klase sa UP Diliman matapos ang halos tatlong taon. Nakapaninibago at nakahihilo sa dami ng batian, beso-beso, kainan, at maritesan. Kamusta naman ang ating mga guro sa muling pagharap sa klase? Halata bang nagpasara ng parlor at ng mga sangay ng UNiQLO, H&M, at Mango o tulad pa rin ng dati na cool na cool at walang nagbago?


Sa ngalan ng komunidad ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, malugod kong binabati ang mga estudyante, guro, at kawani ng ating kolehiyo sa pagbubukas ng ikalawang semestre. Marahil marami sa atin ang nagagalak sa bagong tahak na ito ng ating buhay akademiko hindi dahil kadadaan lang ng Valentines Day at kasagsagan pa rin ng UP Fair kundi dahil sa pakiramdam na bagong laya tayo mula pandemya. Iyon bang marami kang namiss na gusto mong gawin at balikan dahil wala nang restriksiyon at protocol. Bukas na rin lahat, maraming sasakyan, at opsiyonal na ang facemask bagama’t mahalaga pa rin suot sa mataong lugar.


Totoo ngang maluwag na at hindi tulad noong parang laging may batas militar. Pero kakambal ba ng pagluwag na ito ang paluwag ng ating kabuhayan? Mukhang may mga oras de peligro pa rin sa loob ng ating bahay at sa lansangan. Hindi bumababa ang presyo ng langis, sibuyas, at pamasahe habang ang suweldo ng mga manggagawa at guro ay nanatiling usad pagong sa pag-akyat. Ano ba yarn?


Pero sa kabila ng mga ito, kami sa Kolehiyo ay patuloy pa rin sa pagpupursiging lumikha ng masaganang bukas gamit ang sining at panitikan tungo sa pagsusulong ng

edukasyong makabayan na pakiki-nabangan ng higit na nakararami at magbibigay ng latoy at kasaganaan sa buong sambayanang Filipino.


Tuloy kayo sa KAL, ang tahanan

ng mga Artista ng Bayan.


Dios ti Agngina.





Comments


bottom of page