College of Arts and Letters
University of the Philippines Diliman
Kolehiyo ng Arte at Literatura
Pauline Mari F. Hernando, Ph.D.
Associate Professor
Kasaysayang Pampanitikan, Panitikan ng Kilusang Kababaihan, Kasarian at Seksuwalidad
Si Pauline Mari Hernando ay naglilingkod bilang Kawaksing Propesor sa Departamento ng Filipino at Panitikang ng Pilipinas, Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Affiliate Faculty rin siya ng Tri-College PhD Philippine Studies Program sa parehong pamantasan. Siya ang awtor ng aklat na Lorena: Isang Tulambuhay (University of the Philippines Press, 2018). Ilan sa kaniyang mga pinakabagong malikhaing akda at pananaliksik sa Panitikan ng Pilipinas at Araling Kultura ay nalathala sa mga akademikong journal gaya ng Humanities Diliman: A Philippine Journal of Humanities, Diliman Gender Review, Asian Studies: Journal of Critical Perspectives on Asia, Philippine Humanities Review, Kawing Journal, Anak Sastra, Likhaan, Malay Research Journal, at Luntian Online Journal. Nagtuturo siya ng mga kursong Kasaysayang Pampanitikan, Panitikan at Lipunan, Panitikan ng Kilusang Kababaihan, Produksiyong Pampanitikan ng Kilusang Anakpawis, at Panitikan, Kasarian, at Seksuwalidad. Naging tagapagsalita at kinatawan ng Pilipinas sa mga akademikong kumperensiya hinggil sa Pilolohiya, Kasarian at Seksuwalidad, Kilusang Pampanitikan, at Panitikang Emansipatoryo sa mga bansa sa Gran Britanya, Estados Unidos, Australia, at Europa. Humawak siya ng iba’t ibang administratibong posisyon gaya ng Assistant College Secretary, NSTP Coordinator, at G.E. Program Coordinator. Patuloy siyang naglilingkod bilang tagapayo at kritiko sa mga tesis ng mga mag-aaral sa antas graduwado at di-graduwado. Ginawaran siya ng iba’t ibang pagkilala gaya ng UP Artist 1 (2019-2021), One UP Faculty Grant for Teaching and Creative Work (2019- 2021), UP Diliman Centennial Professorial Chair Award (2018, 2019, 2022), UP Diliman Centennial Faculty Grant (2020) at International Publication Award (2016, 2022). Kasalukuyan siyang pambansang tagapagsalita ng Babae, Bantayan ang Eleksyon o BNet at convenor ng Babae Laban sa Fake at Fraud. Naging tagapayo ng mga organisasyong Gabriela Youth UP Diliman, NNARA Youth, at Alay Sining.
____________